Anak ng retiradong pulis, huli sa buy bust operation

Rodirey Sala, ABS-CBN News

Posted at Jul 20 2016 09:52 AM

DAVAO CITY – Dalawang lalaki ang inaresto ng pulisya matapos maaktuhang nagbebenta ng ilegal na droga sa ikinasang buy bust operation Martes ng gabi.

Agad pinosasan ng mga operatiba ng Santa Ana police ang mga suspek na nakilalang sina Sylvestre Manzano at Kirk Baguhin, sinasabing anak ng isang retiradong pulis, pasado alas-11 ng gabi sa Quimpo Boulevard.

Ayon sa pulisya, matagal na nilang minamanmanan ang galaw ng dalawa ngunit mailap lang sa awtoridad. Napag-alamang si Baguhin ay dati nang naipasok sa rehabilitation center dahil sa bisyo.

"At least nahuli natin ang mga ito at alam na natin ang source at grupo nila," sabi ni Inspector Hamlet Lerios.

Nakuha mula sa mga suspek ang dalawang sachet ng hinihinalang shabu, drug paraphernalia at marked money na P1,000.

Pinabulaanan naman ng mga suspek ang paratang na nagbebenta sila ng droga.

Tinatayang aabot sa P8,000 ang halaga ng mga nasabat na ilegal na droga mula sa mga suspek.

Ipapa-impound naman ang sasakyang ginamit ng mga ito sa kanilang ilegal na transaksiyon.

Nasa kustodiya na ng pulisya ang mga suspek habang ihinahanda ang kasong isasampa laban sa dalawa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.