8 patay sa magkakahiwalay na insidente ng pamamaril

ABS-CBN News

Posted at Jul 20 2016 08:52 AM

MANILA - Walo ang patay sa magkakahiwalay na insidente ng pamamaril sa Malabon at Quezon City mula Martes ng gabi hanggang Miyerkules ng madaling araw.

Sa Malabon, lima ang patay habang isa ang kritikal nang paulanan ng bala ang kanilang tinitirhan. Isa sa mga biktima ang dead on the spot samantalang dead on arrival naman ang apat sa ospital.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng mga pulis, dalawang lalaking naka-motor ang bumaril sa mga biktima.

Agad namatay ang isang lalaking kinilalang si Alyas Peter Bakla.

Hinala ng mga pulis, may kinalaman sa droga ang pamamaril.

Sa Barangay Commonwealth sa Quezon City naman, patay ang mangangalakal ng basura na si Ramil Lara matapos pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakikilalang salarin sa loob mismo nga kanyang tinirihang barong-barong sa Liñada St.

Ayon sa kapataid na babae ng biktima, maaring ang half-brother nila na may mga kaso ng droga at panghoholdap ang mitsa ng nasabing pamamaril.

Samantala, patay ang isang barangay worker sa Payatas, Quezon City matapos barilin sa loob ng kanyang pamamahay.

Patay ang ginang na si Elizabeth Rabe nang paputukan ng baril sa kanyang ulo. Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang mga kaanak ng biktima. Inaalam pa rin kung ano ang motibo sa pagpaslang.

Sa Barangay Holy Spirit sa Quezon City, natapgpuang nakahandusay ang isang Alyas Rolan.

Ayon sa isang saksi, tatlo hanggang limang putok ang kanyang narinig. Hindi pa rin tiyak kung ano ang motibo sa krimen. - Ulat nina Mike Navallo at Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.