18 kawani ng Maguindanao gov't, positibo sa droga

Arianne Apatan, ABS-CBN News

Posted at Jul 20 2016 04:06 PM

MANILA - Umabot sa 18 empleyado ng pamahalaang lokal ng Maguindanao ang napag-alamang gumagamit ng iligal na droga.

Ayon kay Maguindanao Governor Toto Mangudadatu, nag-positibo sa bawal na gamot ang urine samples ng mga naturang kawani sa initial screening noong Lunes gayundin sa kasunod na confirmatory examination.

"Positive talaga. Yung iba nasa provincial jail naka-assign, yung sa iba nasa engineering at iba't ibang departamento," ani Mangudadatu.

Bagama't ang Civil Service Commission ang magpaparusa sa 18 empleyado, tiniyak ni Mangudadatu na matatanggal sa trabaho ang mga ito.

Dagdag niya, magkakasa ang pamahalaan ng karagdagang drug test para sa mga empleyado.

"Kung kailan available yung mga materials or gagamitin para sa blood extraction upang magkaroon ng drug testing, doon mismo para walang lusot," sabi ng governador.

"Lahat pangungunahan ko rin 'yan para walang masabi yung mga empleyado at yung mga tao na bakit si governor hindi nakuhanan."