PatrolPH

Pantawid ng Pag-ibig: Bigas, mga delata hatid sa ilang pamilya sa Rizal

ABS-CBN News

Posted at Jul 19 2021 09:00 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Pagiging mananahi na ang nakagisnang hanapbuhay ng 71 anyos na si Maria Quilloy. 

Isa ang pamilya nila sa Barangay Darangan sa mga nagsusuplay ng panindang damit sa Taytay, Rizal - pero nalugi ito dahil a COVID-19 pandemic. 

"Okay sana ang pananahi nakaka-survive sa araw-araw, kumikita ng
P300 - P400 sa isang araw. Eh nagpandemya, tumigil ang garments. Paminsan hindi ko alam kung saan ako kukuha ng panggastos kapag wala akong tahi," ani Quilloy. 

Noong Nobyembre lang sila muling nakapagtahi, na ang kinikita ay kulang pang panggastos sa pamilya. 

Biyuda na si Quilloy at kailangan niyang alalayan ang pamilya ng kaniyang tatlong anak na nawalan din ng trabaho dahil sa community quarantine. 

Nagsara rin ang patahiang pinatatrabahuan ng anak ni Jesus San Pedro. Limang taon na mula nang siya ay ma-stroke at sa pagtitinda ng tinapay at pamamasukan ng kaniyang misis sila ngayon umaasa. 

"Kami ay nagungupahan lang po. Nahihirapan sa
pag-aano ng bahay. Isang daan lang, isang balot. Ngayon nga ay tatlong buwan na kami hindi nakakabayad," ani San Pedro. 

Dahil sa kalagayan ng kaniyang mga kabarangay, sumulat sa Sagip Kapamilya ng ABS-CBN Foundation ang community pantry organizer na si Camille Balabis para madalhan sila ng ayuda. 

Bilang tugon, 400 pamilya ng Barangay Darangan, kabilang sina Quillou at San Pedro, ang hinatiran ng mga bigas at de-latang pantawid sa kanilang pangunahing pangangailangan. 

-- Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.