PatrolPH

Ilang ospital na inakusahan ng 'overpricing' sa gamot sa COVID-19 nagpaliwanag

ABS-CBN News

Posted at Jul 19 2021 08:30 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Humarap sa National Bureau of Investigation (NBI) ang ilan sa mga ospital na pinatawag dahil sa umano'y overpricing ng gamot na remdesivir at paniningil ng advance payment bago i-admit ang COVID-19 patients.

Kabilang sa mga dumating sa opisina ng NBI Special Action Unit ang mga kawani ng City of Imus Doctors Hospital, Metro North Medical Center, at St. Claire’s Medical Center.

Inamin ng ilan na umabot sa P15,000 ang singil nila sa vial ng remdesivir, pero may pahintulot umano ito ng Department of Health (DOH).

"Meron kasing period ang DOH na in-allow na P15,000 ang price ceiling," paliwanag ni Ernesto Palomique III, abogado ng Metro North Medical Center.

Umamin din ang isang ospital na halos doble ang inakyat ng kanilang presyo sa gamot, pero sumunod na raw sila sa suggested retail price ng DOH.

"'Yung sa iba nga P20,000," giit ni Gerardo Roldan, abogado ng St. Claire’s Medical Center.

Ayon sa NBI, iimbestigahan pa nila kung nagtutugma ang sinasabi ng mga ospital. 

Tatlong memo kasi ang nilabas ng DOH mula noong Setyembre tungkol sa presyo ng gamot at ayon sa ilang ospital ay hindi nila ito natanggap.

"Kailangan makatanggap kami ng proof na hindi sila nakatanggap ng memo from DOH," ani NBI Special Action Unit executive officer Kristine dela Cruz.

Sa pinakahuling memo na inilabas ng DOH noong Abril 5, 2021, nasa P1,500 hangangg P8,200 ang SRP ng remdesivir.

Pinasusumite ng affidavit ang pinatawag na 6 na ospital. 

Nakatakda namang ipatawag ang 8 pang ibang ospital sa pareho ring reklamo. —Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.