PatrolPH

COVID-19 vaccination sa ilang ospital ng Maynila, pinilahan

ABS-CBN News

Posted at Jul 19 2021 08:00 PM

COVID-19 vaccination sa ilang ospital ng Maynila, pinilahan 1
Pinilahan ng mga taga-Maynila ang ilang ospital sa siyudad kung saan nagsasagawa ng COVID-19 vaccination nitong Hulyo 19. Ang ilan, madaling-araw pa nag-abang. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

MAYNILA - Dinagsa ng mga gustong magpabakuna ang ilang ospital sa Maynila kung saan nagsasagawa ng vaccination para sa COVID-19. 

Madaling araw pa lang ay nagkani-kaniyang silong na ang mga pumila sa labas ng Ospital ng Maynila nang bumuhos ang ulan. 

Ang ilan sa kanila, hatinggabi pa naroon para makauna sa first dose ng bakuna kontra COVID-19. 

Watch more on iWantTFC

Nang simulan ang pagbabakuna bago mag-alas-8 ng umaga ay sobra-sobra na ang bilang ng mga naghihintay. 

Nagkatensiyon pa nang magsabi ang staff ng ospital na mahihirapang mabakuhanan ang lahat ng darating. 

Sa huli, nagsabi ang ospital na gagawan nila ng paraan na makakuha ng suplay ng bakuna. 

Kulang din ang inisyal na 300 doses na inilaan sa ospital ng Tondo. 

May ilan ding nagrereklamo dahil nagkakasingitan umano sa pila. 

Mula nang mag-umpisa ang vaccine rollout sa lungsod noong Marso ay 657,748 na ang nabakunahan habang 342,273 sa mga ito ay fully vaccinated na. 

— Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.