Zipper lane ipatutupad sa Commonwealth Avenue para sa SONA

ABS-CBN News

Posted at Jul 19 2020 03:46 PM

MAYNILA— Magpapatupad ng zipper lane sa Commonwealth Avenue, Quezon City sa Hulyo 27 para sa ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Ayon kay MMDA Spokesperson Celine Pialago, mag-uumpisa ang zipper lane sa area ng Tandang Sora hanggang sa Doña Carmen.

Nasa 100 tauhan ng MMDA ang ipakakalat sa Commonwealth Avenue sa araw ng SONA para matiyak na magiging maayos ang daloy ng trapiko, ani Pialago.

Tinatayang aabot umano sa 120,000 motorista ang posibleng maapektuhan ng trapiko bunsod ng okasyon.

Pinaplantsa na ng MMDA ang iba pang detalye ng traffic plan na ipatutupad sa SONA, sabi ni Pialago.

Sa isang pahayag ngayong araw ng Linggo, sinabi ni Renato Reyes, Secretary General ng Bagong Alyansang Makabayan, na magpo-protesta sila, "online at physical", sa araw ng SONA kahit aniya ay alam nila ang malawakang pang-aabuso sa ilalim ng kasalukuyang pamahalaan at ang banta sa kalusugan dahil sa COVID-19 pandemic.

"We have chosen to physically protest because of the intolerable attacks on our basic rights and freedoms - the passage of a terror law against dissent, the shutdown of a broadcast network and the massacre of thousands of jobs, and the failed response to the health and economic crisis," ani Reyes.

Ang mga dadalo sa paiiksiing pagkilos ay required mag-face mask, magdala ng disinfectant, at sumunod sa physical distancing rules.

Ang mga "vulnerable" naman sa sakit ay sa online protest lamang palalahukin, sabi ni Reyes.

"We call on LGUs to allow the people to protest in designated freedom parks where no permits are necessary," panawagan niya.

"No once should be arrested for peacefully exercising their rights. No one should be arrested for violations of so-called quarantine guidelines that are not laws and do not carry penal provisions," dagdag niya.

Ayon kay Senate President Vicente "Tito" Sotto, personal raw na dadalo si Duterte sa SONA nito, at 50 katao lamang ang papayagan sa loob ng Batasan Pambansa para masunod ang physical distancing.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.