Suporta para sa ABS-CBN nangibabaw sa noise barrage, caravan

ABS-CBN News

Posted at Jul 19 2020 06:17 PM | Updated as of Jul 19 2020 08:38 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Nangibabaw ang suporta ng taumbayan para sa Kapamilya network sa idinaos na noise barrage at caravan noong Sabado sa ilang lugar sa Metro Manila at iba pang panig ng bansa.

Lulan ng kani-kanilang mga sasakyan, nagtipon-tipon ang mga empleyado at tagasuporta ng ABS-CBN sa Ayala Triangle sa Makati at T.M. Kalaw Avenue sa Maynila noong hapon bago tumulak papunta sa headquarters ng network sa Quezon City.

Ipinaskil sa mga sasakyan ang mga katagang hinihiling ang pagbabalik sa ere ng ABS-CBN. Ikinabit din ang mga ribbon at lobong kulay pula, berde at asul, tanda ng mga kulay ng network.

"Kabilang ang ABS-CBN sa naghahatid ng mga mahahalagang impormasyon, ang mga kalagayan ng mga kababayan sa mga liblib na lugar. Sa pamamagitan ng ABS-CBN naipapaabot yung mga issues na kinakaharap ng ating mga kababayan," ani Albert Pascual ng Health Alliance for Democracy, na isa sa mga lumahok sa protesta.

"Nandito po kami nakikisama at lumalaban para po sa kapakanan ng mga empleyado at manggagawa ng ABS-CBN," sabi naman ni Mac Telpo, ABS-CBN driver na nawalan ng trabaho.

Lumahok din sa caravan si ABS-CBN president at chief executive officer Carlo Katigbak.

Sa Sgt. Esguerra Avenue sa ABS-CBN, walang tigil ang pagbusina, pagkalampag at paghiyaw ng mga tao.

Ang pakikiisa ay hindi anila basta para sa ABS-CBN at mga manggagawa kundi para sa bansa.

"Sabi representate sila ng taumbayan pero sa totoo lang representante sila ng Malacañang," ani National Union of Peoples' Lawyers chairperson Neri Colmenares ukol sa mga kongresistang bumoto para patayin ang franchise application ng network.

"Hindi nila tayo kayang takutin hangga't napakalaki at nagsasama-sama ang ating pagkilos," dagdag ni Colmenares.

Watch more in iWant or TFC.tv

May mga madre at pari ring nakiisa sa protesta.

Kaisa rin sa pag-iingay ang mga kaanak ng ABS-CBN employees, mga artista, mga manonood ng network, at iba pang mga pribadong indibiduwal.

Hindi naman tumigil sa pagronda ang mga guwardiya para magpaalala sa mga tao na sumunod sa social distancing.

Kasama sa mga celebrity na nakiisa sa pagtitipon sina Angel Locsin, Kathryn Bernardo, Daniel Padilla, Alex Gonzaga, Toni Gonzaga, Enchong Dee, Jona Viray, Jake Cuenca, Kylie Versoza, Joel Torre, Jaime Fabregas, Beauty Gonzales at Mylene Dizon.

Watch more in iWant or TFC.tv

Umalingawngaw din noong Sabado ang mga kampana ng makasaysayang Carillon Tower sa University of the Philippines-Dilaman dahil sa pagbasura sa prangkisa ng ABS-CBN.

Nagkaroon din ng noise barrage at cande-lighting activity sa Cebu City, Bacolod City, Naga City, at Baguio City.

Noong Biyernes, pinatay ng House committee on legislative franchise ang aplikasyon ng ABS-CBN Corp. para sa panibagong 25-year franchise.

Sa 85 lumahok sa botohan, 70 kongresista ang pumabor na aprubahan ang resolusyon na nagrerekomendang huwag bigyan ng bagong prangkisa ng ABS-CBN.

Labing-isa naman ang kumontra sa rekomendasyon ng technical working group o pabor na bigyan ng prangkisa ng ABS-CBN.

-- Ulat nina Isay Reyes, Vina Araneta, at Ganiel Krishnan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.