Sagip Kapamilya ng ABS-CBN tiniyak na tuloy ang relief operations

ABS-CBN News

Posted at Jul 19 2020 04:26 PM | Updated as of Jul 19 2020 09:25 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Magkakaroon ng kaunting pagbabago sa bilis ng paghahatid ng ayuda ang Sagip Kapamilya sa mga lugar na maaapektuhan ng pandemya at mga kalamidad bunsod ng pagsasara ng mga regional station ng ABS-CBN, ayon sa isang opisyal nito ngayong Linggo.

Ipinaliwanag ni Jun Dungo, program director ng Sagip Kapamilya, na dati kasi ay madalas nauunang magbigay ng tulong ang regional stations ng ABS-CBN sa mga lugar na tinatamaan ng kalamidad bago dumating ang tulong mula sa mismong Sagip Kapamilya.

"Medyo kailangan lang namin mag-adjust doon sa timing ng pagpunta sa area. Dati kasi, dahil may regional tayo, sila 'yong mauuna pagkatapos pupuwede pumunta ang Sagip [Kapamilya] a day after or 2 days after," ani Dungo sa panayam sa TeleRadyo.

Sa kabila nito, tiniyak naman ni Dungo na magpapatuloy ang Sagip Kapamilya sa paghahatid ng tulong sa mga apektado ng pandemya maging sa mga biktima ng iba pang mga kalamidad gaya ng bagyo, kahit bawas na ang operasyon ng ABS-CBN Corp dahil sa pagpatay sa prangkisa nito.

"Tuloy-tuloy lang 'yong pagtulong natin sa ating mga kababayan, mga Kapamilya na naapektuhan ng pandemic na ito," ani Dungo.

"Both sides ito, lahat ng mga kababayan nating maaaring hindi makapagtrabaho, nawalan ng trabaho, at iyong ating mga frontliners," aniya.

Sa katapusan ng Agosto, magsasara ang Regional Network Group ng ABS-CBN matapos paboran noong Hulyo 10 ng ilang mambabatas na huwag bigyan ng prangkisa ang Kapamilya network.

Ayon kay Dungo, katuwang pa rin naman nila sa pag-abot ng tulong sa mga apektadong probinsiya ang mga local government unit (LGU), iba pang ahensiya ng gobyerno, at mga civic organization.

"Talaga naman malaki ang tulong ng ating regional offices sa relief operations natin," aniya.

"Bukod doon kasi, marami rin tayong ibang partners in areas, like minsan LGUs and even other governments agencies," dagdag ni Dungo.

Apektado rin ng pagkawala ng prangkisa ang ilang serbisyo ng Bantay Bata 163, tulad ng pagbibigay ng medical assistance at pagtanggap ng bagong scholar, sabi ngayong Linggo ng program director na si Jing Castañeda.

Ang news.abs-cbn.com ay ang opisyal na news website ng ABS-CBN Corp.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.