Pamilya puwersahan umanong pinaaalis ng mga pulis sa tahanan sa Taguig

ABS-CBN News

Posted at Jul 19 2020 05:44 PM | Updated as of Jul 19 2020 08:28 PM

MAYNILA— Inirereklamo ng harassment ng isang pamilya sa Taguig City si National Capital Region Police Office chief Debold Sinas at kaniyang mga kasama matapos silang sugurin nito sa kanilang tahanan noong Sabado. Nakuhanan pa sa CCTV ang insidente.

Pero depensa ni Sinas ay ilegal umano ang paninirahan ng pamilya doon at pag-aari ng pulisya ang kinatitirikan ng bahay.

Ikinagulat umano ng magkakapatid na Delos Santos ang biglang pagsugod ng hindi bababa sa 20 pulis, na noo'y nakasuot ng camouflage at SWAT.

Hinahanap umano nila ang retiradong pulis na si Arnel Delos Santos.

Ayon kay Arles, anak ni Arnel, hindi nila inasahan ang puwersahang pagpasok ng mga pulis. Wala umano roon ang kanilang ama dahil umuwi sa Bicol.

"Pagtingin ko po 'di ko nakilala agad na si General Sinas... sobrang daming pulis. Magpapaalis na naman sa amin. Natakot po kami. Sigaw nang sigaw si General Sinas," ani Arles.

Inutusan umano ni Sinas ang mga pulis na alisin ang gate at mga gulong sa harapan ng bahay.

Sa puntong iyon, nagpakita ng mga dokumento ang magkakapatid na nagsasabing legal ang kanilang pananatili doon.

"Natatakot din po kasi 'di ko ine-expect ganoon sila karami. Masyado sila agresibo, parang 'di maawat," ani Joseph delso Santos, na sinabing isang dekada na silang nakatira sa lugar.

"Para sa amin, 'yong unang-una, pagtanggal sa mga bakod po namin na kinabit namin. Wala silang pahintulot. Halos magmakaawa pa po kami talagang pinapakita namin ang papel para mabasa nila," ani Mike delos Santos.

Pero lalong uminit ang komprontasyon nang kuhanan ni Arles ng video ang ginagawa ng mga pulis.

Hinablot umano ng pulis ang cellphone ni Arles.

Pinakita ulit ng magkakapatid ang certificate of occupancy at dokumento na may pirma mismo ni Sinas. Nakalagay doon na kailangan munang magdala ng katunayan ng NCRPO na sa kanila ang lote.

Nang gusto nang bawiin ni Arles ang mga dokumento, nagulat siya sa reaksiyon ng isang pulis.

"Inambahan po ako ng suntok. Magalang naman ako eh kasi uniformed personnel sila," ani Arles.

Sa pahayag ng NCRPO, sinabing ilegal ang paninirahan ng pamilya Delos Santos.

Si Arnel Delos Santos ay nagretiro noong Nobyembre 2018, sabi ng NCRPO.

Ginawa na raw ng NCRPO na makiusap pero tumatanggi umano si Arnel na makipagdayalogo sa kanila. Ginamit pa umano ang mga anak para ipangsangkalan sa kanilang isyu.

Nanindigan naman ang magkakapatid sa legalidad ng kanilang mga hawak na dokumento.

Ikinagulat pa raw sila nang hinamon sila ni Sinas na sabihin ang kanilang presyo.

Nang umalis ang mga pulis, dumating naman ang mga tauhan ng barangay.

Nagpa-blotter ang magkakapatid.

"Nakita po natin sa video mismo. Mga bata, na-trauma po sila. Nandoon din ang panduduro, andoon na lahat. Wala sila armas at 'di sila lalaban, bakit sila nagdadala ng mga mahahabang armas?" ani Mildred de Guzman, purok leader sa Barangay Western Bicutan.

Sa isang pahayag, sinabi ni Sinas na hindi sila ang dahilan ng pagkasira ng gate ng pamilya Delos Santos.

Iginiit ni Sinas na sinubukan nilang makipag-usap kay Delos Santos dahil sa patuloy nitong ilegal umanong paninirahan sa lupa ng motorpool quarters.

Imbes na umalis, dinala pa raw ng retiradong pulis ang buo niyang pamilya.

Kailangan na umano ng NCRPO ang lugar para sa pasilidad ng kanilang mga tauhan na nalantad sa COVID-19.

-- Ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.