Miyembro ng Philippine Air Force nagpositibo sa COVID-19 sa Laoag

Grace Alba, ABS-CBN News

Posted at Jul 19 2020 01:48 AM

Kuha ni Laoag City Mayor Michael Keon

LAOAG CITY - Nagpositibo sa COVID-19 ang isang miyembro ng Philippine Air Force (PAF) na naka-assign sa siyudad na ito, ayon kay Mayor Michael Keon nitong Sabado.

Sa Facebook post ng alkalde, dumating umano sa lungsod noong Hunyo 26 ang PAF personnel na instructor ng disaster management.

Dahil may plano siyang pumunta sa Baguio City para sa isang seminar workshop, sumailalim siya at ang 2 pang kasamahan sa rapid test noong Hulyo 13 at nalamang positibo siya sa virus.
 
Sumailalim naman sila sa swab test noong Hulyo 15 sa DPWH Motorpool na testing site sa lalawigan. 

Dinala ang mga sample sa Mariano Marcos Memorial Hospital and Medical Center sa Batac City kung saan nagpositibo ang PAF personnel.

Asymptomatic ngayon ang pasyente kaya naka-isolate sa kanilang barracks sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) Building sa Laoag International Airport (LIA).

Ani Keon, hindi nila itinuturing na opisyal na COVID-19 case ng lungsod at sa buong lalawigan ang PAF personnel dahil hindi ito residente sa lugar. Bagkus, siya ay itinuturing na authorized person outside of residence.

Dagdag ni Keon, nagsagawa agad ng contact tracing ang City Health Office at napag-alaman na galing ang PAF personnel sa San Nicolas Public Market noong Hunyo 28.

Noong Hulyo 3 naman, pumunta siya sa bayan ng Currimao upang mag-facilitate ng proficiency auxiliary training in search and rescue, at sa Hulyo 17 ay sa CAAP building.

Isinailalim na sa swab test ang nasa 200 katao na nakasalamuha ng PAF personnel.

Tiniyak naman ng LIA management na istriktong babantayan at ipapatupad ang mga health standard protocol sa CAAP building.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.