Mga di nagsusuot ng face mask, dapat ipahiya: DILG official

ABS-CBN News

Posted at Jul 19 2020 05:08 PM

MAYNILA — Pinayuhan ng opisyal ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ngayong Linggo ang publiko na ipahiya ang mga taong hindi nagsusuot ng face mask sa harap ng patuloy na banta ng COVID-19.

Sa isang media forum, sinabi ni DILG Undersecretary Martin Diño na kailangan pagsalitaan ang sino mang makikitang walang face mask sa pampublikong lugar.

Para kay Diño, mas mabuti na ang isinusulong niyang “shame campaign” sa halip na magbayad ng multa.

"’Yong shame campaign, ang ina-ano ko dito, tayo na, maging aware na tayo na kapag may tao sa labas na nagbabadya na po ng seguridad sa pamilya mo, ano'ng gagawin mo? Ang masasabi mo sa kanya, ‘Mahiya ka naman!’ Kumbaga mayroon kang mga salita para matauhan siya," ani Diño.

Nagbanta rin si Diño ng mas mahigpit na pagpapatupad ng mga panununtunan para mapigil ang pagkalat ng COVID-19.

Gusto ni Diño na ipakita ang puwersa ng mga awtoridad sa Metro Manila para matakot ang mga tao na lumabag, katulad ng ginawa sa Cebu City na “style Martial Law.”

“Kung hindi naman nakikisama ang mga mamamayan, teka muna, magkahigpitan na tayo dito,” sabi ni Diño.

“Kahit na harsh ang batas, kailangan ipatupad lalong lalo na kung ang mga prinoproteksyonan ay buhay ng mga tao,” dagdag niya.

Suportado naman ni Guido David ng University of the Philippines OCTA Research Group ang pagpapatupad ng mahigpit na panuntunan kontra COVID-19.

Ayon kay David, nagpa-flatten na ang curve sa Cebu City at posible rin itong mangyari sa Metro Manila kung malilimitahan talaga ang galaw ng mga tao.

Umabot na sa 67,456 ang kumpirmadong COVID-19 cases sa bansa ngayong araw, kung saan, 43,160 rito ay active cases. Ang bilang ng mga gumaling ay 22,465, samantala, ang namatay naman ay 1,831.

-- Ulat ni Michael Delizo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.