PatrolPH

Ikalawang batch ng mga labi ng mga OFW na namatay sa Saudi Arabia naiuwi na

ABS-CBN News

Posted at Jul 19 2020 05:53 PM

MAYNILA — Dumating na sa bansa ngayong Linggo ang ikalawang batch ng mga labi ng mga overseas Filipino worker (OFW) na namatay sa Saudi Arabia.

Sa impormasyon mula sa Department of Labor and Employment, 88 labi ang sakay ng chartered flights na lumapag sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 nitong umaga ng Linggo.

Sa 88 bangkay, 45 ang namatay sa COVID-19, habang 43 sa ibang mga dahilan.

Galing ang 28 sa siyudad ng Al Khobar, 11 sa Jeddah, at 49 sa Riyadh.

Sinalubong ng mga opisyal ng DOLE at Overseas Workers Welfare Administration ang pagdating ng mga eroplano para bigyang pugay ang mga nasawing OFW sa maikling seremonya.

Makatatanggap ang pamilya ng mga namatay na OFW ng tulong, tulad ng cremation o burial services, bukod pa sa death, livelihood at scholarship benefits.

Ididiretso sa cremation ang mga namatay sa COVID-19, habang kailangan muna ng consent mula sa pamilya kung ipake-cremate din ang kaanak na namatay sa ibang dahilan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.