Balut at ice cream vendor sa Ilocos Sur, hinahangaan dahil sa kanyang katapatan

Grace Alba, ABS-CBN News

Posted at Jul 19 2020 10:44 AM

Tumatanggap ng papuri si Nelson del Valle (kaliwa),isang balut at ice cream vendor sa Sinait, Ilocos Sur, dahil sa ipinakitang katapatan nang i-surrender niya sa awtoridad ang napulot na wallet. Kuha ni Romel Dayoan

SINAIT, Ilocos Sur - Init ng araw, ulan, pagod, at puyat ang kalaban araw-araw ni Nelson del Valle ng Barangay Dadalaquiten sa bayan na ito.
 
Nagtitinda siya ng ice cream sa umaga, at balut naman sa hapon hanggang gabi. Dahil sa pandemya, humina nitong mga nagdaang buwan ang kaniyang kita.

“Noong nag-ECQ ay wala eh. Tatlong buwan ay wala kaming kita. Hindi kami nakapagtinda, kaya medyo masakit kasi hindi ko alam ang kakainin ng pamilya ko," sabi ni del Valle.
 
Nagtitinda ng gulay sa palengke ang kanyang misis. Apat ang kanilang anak - may sariling pamilya na ang panganay, habang ang tatlo ay nag-aaral pa.

May problema pa sa kaniyang kidney si del Valle. Nahihinto ang pagpapagamot nito kung hindi na kaya ng budget nila. Prayoridad niya ang pangangailan ng pamilya.

Simple man ang buhay nila na ay puno naman ng pagmamahalan, pagmamalasakit, at katapatan ang pamilya na naibabahagi naman nila sa ibang tao. 

Kwento ni del Valle, habang nagtitinda siya ng balut noong nakaraang Linggo, Hulyo 12, ay may nakita siyang wallet sa daan malapit sa dagat ng barangay Cabangtalan sa bayan rin ng Sinait.

Agad niya itong dinala sa ka-barangay at kaibigan na si Romel Dayoan, isang Disaster Risk Reduction and Management Officer ng Sinait.

“Dumire ako at sinabi ko ‘yung nakita ko. At ibinigay ko na po ‘yung wallet. At sinabi na siya na bahala magdala sa pulis,” kuwento ni del Valle.

Dinala ni Dayoan sa Sinait Police Station ang pitaka.

"Dahil sa ginawa niya ay mas lalo niya akong pinahanga dahil despite na gaano siya kahirap, sa ginagawa niya ng umaga ng ice cream at balut sa gabi, at ganito ‘yung panahon, sometimes talaga maabutan siya ng tag-ulan, ay ganun pa rin siya," paglalarawan ni Dayoan sa kaibigan.

Ang katapatan na ito ni del Valle ay ibinahagi ni Dayoan sa social media. Naka-post din dito ang mga ID ng may-ari ng pitaka para maipaabot sa kaniya ang pagkakapulot ng kanyang wallet. Kinilala itong si Arleigh Argel, mula sa bayan ng Cabugao.
 
“Kinaumagahan, may nag-text na barkada ko tungkol sa wallet ko na nasa PNP Sinait, na wallet ko pala ‘yun," sabi ni Argel.
 
Kwento ni Argel, namasyal sila kasama ang mga kaibigan niya sa tabi ng dagat bago mapansing nawawala ang kanyang pitaka. Hinala nito, nalaglag ito sa di niya tiyak na lugar sa tabi ng dagat.

Barista sa isang malaking Mill Tea store si Argel. May lamang P400 ang pitaka. Pero ang higit na mahalaga sa kanya ay ang mga identification at ATM cards dahil hindi madali ang makakuha ng mga ito.

“'Yung ATM card ko ay doon kasi ako sumasahod, at ‘yung driver’s license ko ay mahirap mag-process at marami akong kailangan at magastos," sabi ni Argel.

Hanga at labis ang pasasalamat nito kay del Valle na gaano man kahirap ang buhay ay umiiral ang kabutihan ng kanyang puso.

“Isinauli ko po ‘yung wallet kasi unang-una po ay hindi akin ‘yun. Tapos naranasan ko na rin na mawalan ng gamit. Tapos, kawawa po ‘yung may-ari. Sa panahon natin ngayon ay hindi tama na porke't mahirap ang buhay ay mananamantala tayo ng tao," sabi ni del Valle.

Aniya, higit pa sanang umiral ang pagmamalasakit sa kapwa sa panahong ito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.