18 preso sa Bilibid, Women's Correctional namatay dahil sa COVID-19

ABS-CBN News

Posted at Jul 19 2020 05:50 PM

MAYNILA — Labingwalong preso na ang naitatalang namatay dahil sa COVID-19 sa New Bilibid Prison at Correctional Institution for Women, ayon sa Bureau of Corrections (BUCor).

Pero tumanggi si BuCor Spokesperson Gabriel Chaclag na kumpirmahin kung kasama ang ilang high-profile inmate sa mga namatay.

Hindi rin tinukoy ang pagkakakilanlan ng mga nasawi alinsunod umano sa Data Privacy Act.

"As much as we want to inform the public and inform our media partners, we have to respect the rights of the PDL (person deprived of liberty)," ani Chaclag.

"Mataas 'yong pag-respect natin sa rights ng ating PDL. 'Pag COVID-19 hindi tayo magbibigay ng details," dagdag niya.

Pinatatawag na ni Justice Secretary Menardo Guevarra sa kaniyang tanggapan si BuCor chief Gerald Bantag para magpaliwanag tungkol sa situwasyon sa mga kulungan.

Sa isang text message, tiniyak ni Bantag na sinisikap ng BuCor na tugunan ang epekto ng pandemya sa kanila.

"Rest assured that the Bureau of Corrections is doing its best to address this pandemic," ani Bantag, na tumanggi ring pangalanan ang mga nasawing preso.

Aabot na sa higit 300 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Bilibid at Correctional habang higit 300 din ang gumaling sa sakit.

Noong Mayo, halos 10,000 preso ang pinalaya ng mga awtoridad para lumuwag ang mga kulungan at maiwasan ang pagkakahawa sa COVID-19.

-- Ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.