VIRAL: Estudyante dinala ang standee ng pumanaw na ina sa graduation

ABS-CBN News

Posted at Jul 19 2019 03:36 PM

MAYNILA - Pangarap ng Lyceum of the Philippines University (LPU) graduate na si Paulo John Alinsog na makapiling ang kaniyang ina sa kaniyang pagtatapos. 

Pero noong 2016, pumanaw ang kaniyang ina na si Ma. Carmen A. Tambuon matapos magkaroon ng pneumonia. 

"(Noon) I decided to stop (sa pag-aaral) pero ayaw ng family ko. Ituloy ko raw kasi 'yon naman talaga ang gusto ni mama makapagtapos kaming tatlo na anak niya," aniya sa online interview sa ABS-CBN News. 

Sa kaniyang pagtatapos, inialay ni Alinsog ang kaniyang diploma sa kaniyang ina. 

"Mahal na mahal kita para sayo tong diploma ko at ako na ang bahala sa mga kapatid ko. Wherever you are I hope you're in good hands. I love you. I miss you kung alam mo lang," ani Alinsog, na may dalawa pang kapatid. 

Ang kaniyang kagustuhang makasama ang kaniyang ina sa isa sa pinakamahalagang araw sa buhay niya ang nagtulak sa kaniya na gumawa ng standee ng kaniyang ina at dalhin ito sa kaniyang graduation ceremony para "maparangalan" ito. 

"'Yun 'yung gusto niya ang makapagtapos ako ng pag-aaral gusto ko lang (na) maparangalan siya. And gusto ko rin gaya ng ibang graduates kasama nila parents nila," ani Alinsog, na nagtapos ng Bachelor of Science in Business Administration major in Business Management sa LPU. 

Viral ngayon sa social media ang kuwento ni Alinsog, na mayroong 27,000 reactions at higit 10,000 shares sa Facebook. 

 

Nagbigay rin ng pasasalamat si Alinsog sa mga nakabasa at naantig sa kuwento niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.