Tugon sa inflation, pasahod nais marinig ng mga Pinoy sa SONA 2019

ABS-CBN News

Posted at Jul 19 2019 06:27 PM | Updated as of Jul 19 2019 08:16 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa ikaapat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Lunes, umaasa ang mga Pinoy na tatalakayin niya ang mga isyung malalapit sa sikmura ng masa tulad ng pasahod at taas-presyo ng mga bilihin, batay sa survey ng Pulse Asia.

Ayon sa survey ng Pulse Asia na sinagutan ng 1,200 Pinoy, 17.1 porsiyente sa kanila ang nagsabing dapat pag-usapan sa SONA ang sahod ng mga manggagawa.

Bukod dito, 17.1 porsiyento din ang nagsabing dapat talakayin ang plano ng gobyerno kung paano pabababain ang presyo ng mga pangunahing bilihin.

Samantala, 15.2 porsiyento naman ang gustong marinig kung paano magkakaroon ng mas maraming trabaho at kabuhayan sa Pilipinas.

Sa parehong survey, 9 porsiyento naman ang nagsabing nais nilang pag-usapan ng Pangulo ang relasyon ng bansa sa China.

Makikita rin sa resulta ng survey na gusto ng mga Pilipino na marinig mula kay Duterte ang isyu ukol sa giyera kontra ilegal na droga, pagsupil sa kahirapan, paglaban sa katiwalian, infrastructure development, at pagrespeto sa karapatang pantao o human rights.

Isinagawa ang survey mula Hunyo 24 hanggang 30 sa pamamagitan ng face-to-face interviews.

—Ulat ni Jeff Canoy, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.