TNVS applicants, dumagsa sa LTFRB

Lyza Aquino, ABS-CBN News

Posted at Jul 19 2019 09:58 AM

MAYNILA – Dinagsa ang tanggapan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board sa Quezon City ng mga aplikante ng pansamantalang permit para sa mga transport network vehicle service o TNVS.

Bukod sa puyat, kalaban ng mga magdamag na pumila sa kalsada sa East Avenue ang sama ng panahon.

Ang iba ay nagsimulang pumila Huwebes pa ng gabi para hindi mahuli sa cutoff na 1500 applicants kada araw na pagproseso para sa provisional authority o pansamantalang permit ng mga TNVS driver.

"Pang 300 na ako. 12 a.m. ako pumunta. Yung una 9 p.m. pa pumila kasi kapag 6 a.m. ka pupunta hindi ka na aabot sa cutoff. Nagdala na ako ng upuan at payong,” ani Albert de Leon, isa sa TNVS applicants.

Marami sa mga aplikante ang inirereklamo ang kawalan ng assistance mula sa mga tauhan ng LTFRB. Tanging security guard lamang ang nakapwesto sa gate at wala ring silungan o maayos na holding area para sa kanila.

Umabot na hanggang sa Malakas Street ang haba ng pila ng mga applikante. 

Biyernes ng umaga naman nang maagang dumating ang mga tauhan ng Grab para mamigay ng pagkain at payong sa mga aplikante.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.