SONASERYE: Universal Health Care Law napakinabangan na ba?

ABS-CBN News

Posted at Jul 19 2019 09:31 PM | Updated as of Jul 19 2019 09:58 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Tubig na pinagbabaran ng okra ang madalas inumin ni Modesto Cerro para sa kaniyang diabetes at high blood. 

Sa kitang P1,500 kada 2 araw bilang taxi driver, hindi niya prayoridad ang pagbili ng gamot at pagpapakonsulta sa doktor. 

"Binibili namin 'yong pagkain namin. 'Yun ang pinakaprayoridad. Mag-aantay ka na lang na medyo hindi mo na nakakayanan. Saka ka na siguro magpa-admit [sa ospital]," ani Cerro. 

May ilan namang hindi makapagpagamot sa ospital, gaya ni Magdalena Oclarino na may tubig umano sa kaniyang baga. 

"May tubig daw ang baga ko, kailangan raw ng P10,000 para makabili ng apparatus eh wala po kaming P10,000" ani Oclarino. 

Sa datos na nakuha ng ABS-CBN Investigative and Research Group, aabot sa P6,791 ang ginagastos ng bawat Pinoy para sa kalusugan. 

Gamot ang nangunguna sa listahan ng pinagkakagastusan nilang medikal. 

Aabot sa P186.6 bilyon ang nagagastos ng mga Pinoy sa mga botika kada taon, ayon pa sa datos.

Sumusunod naman dito ang mga gastusin sa private general hospitals na aabot sa P97.5 bilyon, at pagpapaospital sa mga ambulatory health care providers na nasa P50.3 bilyon.

Dito sana maaaring magamit ang Universal Health Care Law, kung saan awtomatiko nang miyembro ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang lahat ng mga Pilipino at mababawasan ang kanilang gastos sa pagpapagamot. 

Pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang batas noong Pebrero pero sa ngayon ay ginagawa pa rin ang implementing guidelines nito.

Ayon sa Department of Health, P18-20 bilyon pa rin ang kulang na pondo para sa UHC. 

Kaya sa unang taon nito, 2 lugar sa bawat rehiyon muna ang makakaranas ng tulong medikal na hatid ng UHC.
 
Prayoridad ng batas ang mga nasa malalayong lugar. 

Sa Metro Manila, sa Paranaque at Valenzuela muna ipatutupad ang UHC.

--Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.