'Siyokoy, pugita,' bibida sa SONA rallies bilang paglarawan kay Duterte

ABS-CBN News

Posted at Jul 19 2019 07:41 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Kasabay ng mga preparasyon sa ikaapat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Lunes, todo-handa na rin ang mga grupo sa ikakasa nilang mga kilos-protesta.

Ayon sa mga lider ng mga militanteng grupo na mangunguna sa protesta, dagat ng mga raliyista ang dapat asahan kung saan ilalantad daw nila ang "tunay" na estado ng bansa na hindi maririnig mula kay Duterte.

Pinili ng mga raliyista ang anila'y "pinakapangit" na lamang-dagat na siyokoy bilang tema para ilarawan ang "pangit" na sitwasyon sa ilalim ng pamumuno ni Duterte.

"Ang siyokoy kasi siya 'yung dapat tagabantay ng dagat pero siya rin ang nagpapahamak sa ibang taga-dagat... Pangit, pangit talaga," sabi ni Marian Ramirez ng UgatLahi Artist Collective, ang grupong gumagawa ng effigy.

Angkop din umanong tema ito dahil sa isyu ng West Philippine Sea, dahil tila nakipagsabwatan na daw si Duterte sa China.

Diin naman ng mga militante, mapayapang protesta ang gagawin nila at magkagulo man ay siguradong hindi sa kanila magsisimula ito.

Bukod sa siyokoy, irarampa rin ng mga raliyista ang iba pang "pangit" at "pahamak" na mga lamang-dagat gaya ng pugita at dikya.

ILLEGAL INSPECTION?

Binanatan naman ng mga grupo ang "no backpack policy" na ipatutupad ng Philippine National Police.

"Hindi nasusulat kahit saang batas na bawal magdala ng backpack kaya binabalaan namin ang pulis na hindi puwede ang illegal searches and inspection... Puwede nilang abusuhin 'yan," ani Tina Palabay, secretary general ng grupong Karapatan.

Sabi pa ni Palabay, kakasuhan nila ang mga pulis na magsasagawa ng illegal search at inspection.

Sa hanay naman ng pulisya, sinabi ni Police General Oscar Albayalde, hepe ng PNP, na 14,000 pulis ang kanilang ipakakalat.

—Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.