Pulis sugatan sa pananambang sa Agusan del Sur

Lorilly Charmane D. Awitan, ABS-CBN News

Posted at Jul 19 2019 09:35 PM

Tinamaan sa paa ang pulis habang nagkabutas-butas naman ang gulong ng patrol car sa bakbakan sa Agusan del Sur. Larawan mula kay Richard Grande

PROSPERIDAD, Agusan del Sur - Sugatan ang kanang paa ng isang pulis matapos na tambangan ng mga hinihinalang kasapi ng New People’s Army sa Barangay San Jose sa nasabing bayan, Biyernes ng umaga.

Nakilala ang sugatang pulis na si Patrolman Carmelo Estioco ng Agusan del Sur Provincial Mobile Force Company. 

Sa imbestigasyon ng pulisya, binabaybay ng tropa ang kalsada papuntang Butuan City. Nang makarating sa lugar ay napansin ng driver ng patrol car ang mga armadong lalaki na nakatago sa mga puno sa gilid ng highway.

Nagkabutas-butas ang harapan, gilid at likod ng patrol car matapos tamaan ng mga bala sa nangyaring palitan ng putok.

May tinamaan din sa mga rebelde base sa nakitang dugo sa pinangyarihan ng bakbakan.

Patuloy ang pagtugis ng pulisya sa mga tumakas na mga rebelde.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.