Paghahakot ng gabundok na basura sa Vitas, Tondo nagsimula na

Michael Joe Delizo, ABS-CBN News

Posted at Jul 19 2019 01:36 PM

Binisita ni Manila Mayor Isko Moreno ang Vitas slaughterhouse sa Tondo, Maynila, July 17, 2019. Plano ni Moreno na ayusin at pagandahin ang lugar, kabilang na ang pagtatayo ng modernong pasilidad para sa mga hayop. George Calvelo, ABS-CBN News

MAYNILA — Umarangkada na Biyernes ng umaga ang malawakang cleanup drive sa paligid ng maduming slaughterhouse sa Vitas, Tondo, bahagi ng patuloy na paglilinis ng lokal na pamahalaan sa siyudad. 

Sa kabila ng buhos ng ulan, binisita ni Manila Mayor Isko Moreno ang lugar na may gabundok na basura, dumi ng hayop, at iba pang debris.

Aabot sa 20 truck ng basura ang target hakutin sa unang araw ng paglilinis bilang paghahanda sa rehabilitasyon ng lugar.

Ayon kay Moreno, nakatanggap siya ng ulat mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) na napupunta sa Ilog Isla de Balut ang dumi sa Vitas, na kalaunan ay umaagos sa Manila Bay.

“Nu’ng bata ako, maganda 'to, one of the best slaughterhouse[s] in Asia. Pero ngayon, ito, mas mabaho pa sa Smokey Mountain,” sabi ni Moreno. 

Dagdag niya: “I-clear lang natin ‘yung mabaho na ‘yun kasi nakita ‘yun ng DENR eh. Gusto natin mag-comply sa DENR para tayo mismong [lokal na] gobyerno, makitang sumusunod sa alintuntunin ng national government.”

Nauna nang inilatag ng alkalde ang planong gawing moderno at dekalidad ang slaughterhouse sa pagtatayo ng 4 palapag na gusali na may poultry dressing area, animal welfare clinic, at holding facility para sa mga hayop.

Magkakaroon din aniya ng in-city vertical housing program para sa nasa 4,000 hanggang 5,000 residente sa lugar.

Ang naturang slaughterhouse sa Vitas ay ang pangunahing katayan ng mga baka at kalabaw sa Maynila.

Tanggap at ikinatuwa naman ng ilang residente ang plano sa kanilang komunidad.

“Nagpapasalamat po ako sa mayor na talagang tinupad niya ‘yung hiling ng mga butcher dito sa Vitas,” sinabi ng matador na si Virgilio Valencia. 

Dagdag naman ng residenteng si Cynthia Hia Benedicto: “Masayang masaya po ang lahat ng mga tao dito at lahat ay umaasa na mabubuhay, magkakaroon ng maayos, malinis at panatag na kalooban.” 

Nauna nang ipinalinis ni Moreno ang mga marurumi at siksikang lugar sa Maynila, kabilang ang Divisoria, Lagusnilad underpass at Bonifacio Shrine. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.