Military cargo truck nawalan ng preno, 1 sugatan

Chrisel Almonia, ABS-CBN News

Posted at Jul 19 2019 04:07 PM | Updated as of Jul 19 2019 04:25 PM

Nawalan umano ng preno ang truck kaya bumangga ito sa tatlong motorsiklo at isang L300 bago tuluyang sumalpok sa barrier sa Zamboanga City. Chrisel Almonia, ABS-CBN News

ZAMBOANGA CITY – Sugatan ang isang motorista matapos mabangga ng isang military cargo truck na nawalan ng preno sa Suterville sa nasabing lungsod, Biyernes ng umaga.

Nagtamo ng sugat sa katawan ang motorista na agad tinulungan ng mga tauhan ng Philippine Navy at dinala sa Camp General Navarro Hospital upang gamutin.

Sa opisyal na pahayag na inilabas ng Naval Forces Western Mindanao, papunta na sana ang truck sa Marine Barracks Arturo Asuncion sa Barangay Cabatangan upang dalhin ang ilang training equipment.

Nang makarating sa Suterville, nagkaroon ng problema ang preno ng truck, bago ito bumangga sa concrete barrier ng Philippine Army Finance Center Producers integrated Cooperative.

Bago nito tinamaan ang barrier, una nitong nabangga ang motorsiklo ng biktima at isang L300 na sasakyan.

Nabangga rin ng truck ang dalawa pang motorsiklo na nakaparada sa harap ng opisina ng Food and Drug Administration.

Nangako ang Philippine Navy na sasagutin ang gastusin ng biktima at babayaran din nila ang mga nasirang sasakyan at ari-arian dahil sa aksidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.