Mga pinya sa Laguna bagsak-presyo, nabubulok na dahil sa oversupply

ABS-CBN News

Posted at Jul 19 2019 04:53 PM

Umaaray ngayon ang mga tindera ng pinya sa Calauan, Laguna dahil sa nararanasang oversupply ng naturang prutas sa bayan.

Ayon sa kanila, mag-iisang buwan nang bagsak-presyo ang mga panindang pinya pero matumal pa rin ang bentahan.

Sabi ng tinderang si Nora Carreon, higit P10 per kilo na ang itinapyas nila sa presyo ng paninda.

"Kasi nga ay tambak ang pinya, hindi dapat ngayon ang panahon ng pinya eh, dapat noong Abril o Mayo eh kaso ngayon siya sumakto," ani Carreon.

Kaya ang mamimiling si Lito Pasongsong, sinamantala ito at pumakyaw ng 10 malalaking pinya sa halagang P200 lang.

"Dadalhin ko ito pa sa Lipa," sabi ni Pasongsong.

Sa dami ng suplay ng pinya, nabubulok at nasisira na ang iba dahil mag-iisang linggo nang hindi nabibili.

Ang tinderang si Rochelle Mayuga, nasa P10,000 na ang halaga ng mga nasirang pinya.

"Masakit kasi, gaya ko, kailangan kong maghanapbuhay, puhunan ko 'yung nawala diyan," sabi ni Mayuga.

Ang ibang nagtitinda, ginagawa na lang daw juice o bottled chunks ang mga pinyang hindi nabibili.

Sa kabila nito, umaasa ang mga nagtitinda na maibabalik sa normal ang presyo ng pinya pagpasok ng "ber" months.

Ang pinya ang isa sa mga pangunahing produkto ng Calauan kung saan kilala ang lugar.

—Ulat ni Karren Canon, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.