Mga ilegal na naniningil ng parking fee, ipinaaresto ni Mayor Isko

Michael Joe Delizo, ABS-CBN News

Posted at Jul 19 2019 10:56 AM | Updated as of Jul 19 2019 01:26 PM

Members of Mendiola Consortium report street problems to Manila Mayor Isko Moreno. Michael Delizo, ABS-CBN News

MAYNILA — Ipinaaaresto ni Manila Mayor Isko Moreno ang mga ilegal na naniningil ng parking fee sa Mendiola, Maynila.

Ito’y matapos i-report ng samahan ng mga eskuwelahan sa alkalde Huwebes ng hapon na may mga indibidwal na naniningil sa mga nagpa-park ng sasakyan sa Mendiola, bukod pa sa lehitimong parking fee na binabayaran sa Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB).

“Arestuhin lahat ng tambay na magpapa-parking. That is usurpation of authority. They are not deputized by the city government, they don’t belong to our personal services or as an employee. I-entrap niyo iyan, gawan ito ng proseso,” ani Moreno sa pulisya at MTPB na dumalo sa pulong.

P20 ang parking fee sa unang 3 oras sa Mendiola, at karagdagang P15 naman sa kada oras na sosobra.

Pero ayon kay Carmencita Salonga, ang executive director ng Mendiola Consortium, naniningil ng karagdagang P70 hanggang P90 ang mga tinaguriang “car watcher” kapag umalis na ang tauhan ng MTPB.

Nao-obliga aniya ang mga nagpa-park na magbigay dahil sa takot na gasgasan ang mga sasakyan nila.

“Matagal na sila do’n eh. Sila na talaga ‘yung mga ever since eh,” sabi ni Salonga. “Siyempre minsan mukhang adik. Nakakakatakot kaya nagbibigay ang mga bata.”

Nalaman din ni MTPB director Dennis Viaje na pinapalitan ng mga “car watcher” ang nakasulat sa parking ticket.

“Ang problema, ‘yung mga tambay doon, nakikialam. Ang gagawin, kakausapin ang mga estudyante, babaguhin ang presyo,” ani Viaje. “Kaya akala ng mga estudyante, mahal ang parking.”

Sabi ni Viaje, noong Lunes pa sila nagsasagawa ng operasyon para mahuli ang mga gumagawa ng naturang aktibidad.

Tiniyak naman ni Special Mayor’s Reaction Team chief Major Rosalino Ibay Jr. ang mabilis na pagsasagawa ng validation at identification sa mga indibidwal na sangkot sa modus.

Nagsasagawa rin daw sila ng operasyon kontra street gangs at mga palaboy.

Samantala, iniulat din ng Manila Consortium ang mga hindi gumaganang CCTV camera, pagdami ng illegal vendor sa kalye, kawalan ng ilaw sa passageway ng LRT Line 2, at matagal na pagkakampo ng mga militante sa Mendiola Bridge.

Ang Manila Consortium ay isang educational organization na kinabibilangan ng Centro Escolar University, San Beda University, College of the Holy Spirit, La Consolacion College Manila, at Saint Jude Catholic School.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.