Dayuhang turista, nabiktima ng mga kawatan sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Jul 19 2019 04:40 AM

MAYNILA—Nabiktima ng grupo ng mga kawatan ang isang turistang Chinese sa Maynila nitong Huwebes.

Nawalan ng relo, smartphone, credit cards, at cash na aabot sa P8,000 ang 21 anyos na biktima.

Kuwento ni alyas Michelle, nasa Manila Bay siya nang magpakilala sa kaniya ang 2 babae na may edad 60 at 30.

Nakipagkuwentuhan siya sa mga ito at niyaya siyang maghapunan sa kainan sa Parañaque. 

Pagkatapos, pumunta sila sa videokehan kasama ng 1 pang lalaki at 1 babae. 

Hindi na umano matandaan ni Michelle sunod na nangyari dahil nagising na lang siyang hinahatid ng traysikel sa tinutuluyang hostel at wala na ang kaniyang mga gamit.

Naireport na sa pulisya ang insidente pero hindi pa natutunton ang KTV bar na pinagdalhan sa biktima. 

Ayon sa manager ng hostel, 3 turista na sa kanilang establisimyento ang nabiktima ng mga kawatan.

Una ang isang babaeng Hapones na nawalan ng wallet at pangalawa ay isang lalaking Australiano na nawalan ng wallet, cards at drone. Ginamit pa ang credit card ng biktima para mag-withdraw ng P300,000.

Nagpaalala rin ang manager ng hostel at mga pulis na mag-ingat pa rin ang mga banyaga sa pakikipag-usap at pagbibigay-tiwala sa mga hindi nila kilala.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.