Alkalde sa Cagayan nagreklamo ng 'tanim-bala' sa Tuguegarao airport

ABS-CBN News

Posted at Jul 19 2019 09:19 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Inireklamo ng alkalde sa Cagayan ang umano’y pagtatanim ng bala sa kaniyang mga bagahe sa Tuguegarao airport.

Kuwento ni Alcala Mayor Kristine Antonio na magtse-check-in sana sila ng kaniyang sanggol at kasambahay sa kanilang flight pa-Maynila nang mapansin umano ng guard na may bala sa loob ng brown na bag ng kaniyang anak.

Pero duda si Antonio na totoo ngang bala ang lumabas sa kaniyang screen.

"To my ultimate shock tinuturo nila sa screen 'yung image ng bala. But I noticed in a split second, na 'yong bala parang dinrowing ng pentel pen," ani Antonio.

Nagtaka pa raw si Antonio na pinakalkal ng mga awtoridad ang bag ng kasambahay nila kahit na nakita umano ang imahe ng bala sa bag ng anak niya.

"Pinasok niya yung right hand niya doon sa outer pocket ng floral backpack (ng kasambahay) and when he opened it, andoon 'yong bala," ani Antonio.

Sabi pa umano ng bag inspector kay Antonio na gawing "off-the-record" ang kanilang transaksiyon.

"Sabi niya, 'ma'am, ayusin na lang natin 'to nang off-the-record,' and then he looked at me expectedly" ani Antonio.

Pero buwelta ng bag inspector na si Herbert Bulan na nakiusap lang siya na huwag nang diretsong i-report ang insidente para mabilisan silang makaabot sa kanilang flight.

"Nasa respeto ko sa kaniya at tiwala, nagawa ko pong sabihin sa kaniya na huwag na nating i-report ito para hindi na po kayo maabala," mangiyak-ngiyak na banggit ni Bulan.

Nanindigan din si Bulan na may bala sa loob ng bagahe ng kasambahay ni Antonio.

“Noong pinakita ko sa kanila, 'yung facial expression sa yaya niya, bakit ka may ganyan, 'yung yaya niya 'di siya nakasagot agad,” ani Bulan.

Base sa protocol, oras na may nakitang isa o dalawang bala sa bagahe ay kailangan ipasulat ng screener ang pangalan at iba pang detalye ng may-ari ng bag. Kukumpiskahin ang bala at papayagang makasakay ang pasahero.

"In-allow na lang niya to board without proper documentation as a matter of courtesy. Which is, sa amin, violation sa aming regulation," ayon kay Napoleon Cuaton, head executive assistant ng Office for Transportation Security.

Gumugulong na ang imbestigasyon sa insidente.

--Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.