10 estudyante patay sa aksidente sa Cebu

Annie Perez, ABS-CBN News

Posted at Jul 19 2019 10:29 AM | Updated as of Jul 19 2019 08:14 PM

(2nd UPDATE) Umakyat na sa 10 ang bilang ng estudyanteng nasawi nang maaksidente ang sinasakyan nilang truck sa Barangay Upper Becerril sa Boljoon, Cebu, Biyernes ng umaga.

"Base sa report ng Department of Education, 10 ang patay," ayon kay Baltazar Tribunalo Jr. ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office ng Cebu.

May 43 na sakay ang truck na pag-aari ng local government ng Boljoon. Sa mga sakay, 39 rito ay mga estudyante ng San Antonio Integrated School at Nangka Elementary School.

"Itong mga estudyante dadalhin sana sa isang event doon sa town center meron silang nutrition, cultural and sports meet doon sa Poblacion ng Boljoon with the Department of Education," sabi ni Tribunalo.

Paliwanag ni Tribunalo, nawalan ng preno ang truck kaya't minabuti ng driver nito na ibangga ito sa gilid ng bundok para hindi sila mahulog sa bangin.

Naganap ang aksidente alas-7:40 ng umaga.

"Yun ang rason ang iba ay naiipit, ang mga bata," sabi niya.

Apat na mag-aaral ang idineklarang dead on arrival sa pagamutan.

Sabi naman ni kay Police Master Sergeant Nelson Saquibal ng Boljoon Police Station na sugatan din ang driver ng dump truck na kasalukuyang nagpapagamot sa Oslob District Hospital.

Dagdag ni Saquibal, inihahanda na nila ang kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide, physical injuries and damage to property laban sa driver ng truck.

Nakiramay ang Department of Education sa mga namatayan sa aksidente, at nanawagan sa lokal na pamahalaan na siguruhin ang kaligtasan sa mga kalsada ng bayan ng pinangyarihan ng insidente.

Watch more in iWant or TFC.tv

- May ulat ni Leleth Rumaguera, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.