3 'akyat-bahay' patay sa engkuwentro sa QC

ABS-CBN News

Posted at Jul 19 2019 04:12 AM

MAYNILA—Patay ang 3 lalaki na hinihinalang miyembro ng akyat-bahay gang sa engkuwentro laban sa mga pulis sa Barangay Nagkaisang Nayon, Quezon City Huwebes ng gabi.

Inireport ng barangay ang mga lalaki bilang kahina-hinalang tao, at nang respondehan pasado alas-10 ng gabi, pinaputukan umano nila ang mga pulis.

Ayon kay Police Lt. Col. Rossel Cejas, hepe ng Quezon City Police District (QCPD) Station 4, magaling umiwas ang kaniyang mga operatiba kaya walang nasugatan sa kanila.

"'Pag nagpaputok wala naman magagawa mga pulis kundi depensahan mga sarili nila," aniya.

Posible umanong mga kawatan ang mga lalaki base sa mga report ng pagnanakaw sa lugar noong isang linggo.

Pero hindi pa identified ng mga pulis ang mga kawatan kaya hindi sila tiyak kung ang mga napatay na lalaki ang nasa likod ng mga pagnanakaw.

Ang nagsilbi lang na patunay ay ang mga tools na nakuha sa mga lalaki.

"Madalas po na zero crime dito, kaya alarming ang mga ganitong insidente," ani Nagkaisang Nayon Barangay Councilor Chona Rellosa.

Narekober sa crime ang 3 baril at mga pakete ng hinihinalang shabu.—Ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.