2 wanted na Chinese at Koreano arestado sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Jul 19 2019 05:09 PM

Arestado ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Maynila ang 2 nagtatagong dayuhan na wanted sa kani-kanilang mga bansa.

Kinilala ang mga undesirable alien na sina Chinese national Zheng Zhuhong, 51, at Korean national Kim Donghyun, 36.

Ayon sa BI, may nakabinbin umanong warrant of arrest sa China si Zheng noon pang Disyembre 2016 dahil sa kasong fraud. Tinangay umano ng ginang ang higit 30 milyon yuan o katumbas ng nasa P220,000,000 mula sa mga na-scam niya.

Kanselado na rin ang pasaporte nito nang dumating sa bansa noong nakaraang taon.

Samantala, sa tulong ng Korean Embassy sa Maynila, napasuko naman si Kim, na wanted dahil sa pag-o-operate ng ilegal na sports gambling site sa internet.

Nakapiit na ang 2 sa BI detention facility sa Taguig City habang inihahanda ang kanilang deportation.

Inilagay na rin sa blacklist ng Immigration ang dalawa at hindi na papayagang makabalik pa ng Pilipinas.

—Ulat ni Johnson Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.