2 patay matapos mahulog ang isang trak sa bangin sa Samar

Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

Posted at Jul 19 2019 10:52 PM

Nawalan ng preno ang isang trak at bumangga sa barandilya bago tuluyang nahulog sa bangin sa bayan ng Santa Margarita, Samar, Biyernes. Larawan mula sa Santa Margarita Police

Dalawa ang nasawi habang sugatan naman ang 17 iba pang sakay ng isang truck nang mahulog ito sa bangin sa Barangay Mabuhay, bayan ng Santa Margarita sa Samar, Biyernes ng umaga.

Nakilala ang mga nasawi na sina Marlon Pelino at Noel Delarmino.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, galing Calbayog City at papuntang Santa Margarita ang truck pero nawalan ng preno sa pababa at pakurbadang kalsada.

Una itong bumangga sa barandilyas bago tuluyang nahulog sa bangin na may lalim na 20-talampakan.

Napag-alamam na ang mga biktima ay pawang construction workers.

Patuloy pang ginagamot sa ospital sa Calbayog City ang mga sugatan.

Patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng Sta. Margarita Police ukol sa insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.