Panukalang Bangsamoro region, pirma na lang ni Duterte ang kulang

ABS-CBN News

Posted at Jul 19 2018 10:46 PM | Updated as of Jul 15 2019 03:35 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pormal nang inaprubahan ng bicameral conference committee Miyerkoles ng gabi ang final draft ng Bangsamoro Organic Law (BOL), mas kilala noon bilang Bangsamoro Basic Law (BBL), na isusumite para lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, isang bagong simula ito para sa Bangsamoro.

Kapag napirmahan kasi ni Duterte at tuluyang naisabatas, ang Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) ay papalitan ng Bangsamoro Autonomous Region kung saan kasapi pa rin ang kasalukuyang mga probinsya, pero may posibilidad pa na madagdagan ang mga ito sa pamamagitan ng isang plebisito.

Magkakaroon ang rehiyon ng sariling parliyamento na pamumunuan ng chief minister at dalawang deputy chief ministers. 
     
May kapangyarihan din itong magpasa ng sariling batas at magpataw ng buwis.
    
Makatatanggap ang rehiyon ng automatic block grant na nasa P60-70 bilyon taon-taon.

Ang Bangsamoro government din ang mangagasiwa at makikinabang sa lahat ng kikitain nila mula sa natural resources, maliban sa fossil fuel at ilang inland waters na ginagamit para magsuplay ng enerhiya sa ibang rehiyon.

"We’re addressing their aspirations, the aspirations of our brothers and sisters for self-governance, additional funding through the block grants so they’ll be able to chart now their own path for social services, for health, for education," ani Zubiri.

'TATALIMA SA SALIGANG BATAS'

Tiniyak naman ng mga mambabatas na hindi lalabag ang BOL sa Saligang Batas at hindi ito mauuwi sa paghiwalay ng rehiyon sa bansa.

"We were very careful. Precisely we’ve had several problems along the way because we could not grant everything they want," paliwanag ni House Majority Floor Leader Rodolfo Fariñas.

Ikinatuwa ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang pagsasapinal ng mga probisyon ng BOL.

"This may not be a perfect law but it is good to start with," ani MILF vice chair for political affairs Ghadzali Jaafar. 

Ang MILF ang mamumuno sa Bangsamoro Transition Authority at nangako naman silang kaagad sisimulan ang decomissioning o pagsuko ng kanilang mga armas at kalaunan ay sila'y magiging isang social movement na lamang.

"On or before the 2022 elections, the final decommissioning would take place," pangako ni MILF chief negotiator Mohaqher Iqbal.

Pagtitiyak ni Zubiri, may sapat na mga probisyon para maisama pa rin ang Moro National Liberation Front at may sapat na representasyon rin ang iba’t ibang grupo sa rehiyon para maiwasan ang gulo.

Ikinatuwa naman ng Palasyo ang pagsasapinal sa BOL.

"As soon as we receive the consolidated version of the proposed republic act, the President can sign," ani presidential spokesperson Harry Roque.

     
—Ulat ni Mike Navallo, ABS-CBN News