'Nanlaban': Lalaking kabilang sa 'narco list' ni Duterte, patay sa buy-bust

Kevin Joseph Dinglasan, ABS-CBN News

Posted at Jul 19 2018 06:45 PM

SAN PABLO CITY, Laguna- Patay ang isang lalaking kabilang sa 'narco list' ni Pangulong Rodrigo Duterte matapos manlaban umano sa mga pulis nitong Huwebes.

Ika-16 sa listahan ni Duterte ng mga sangkot sa ilegal na droga si Antonio Ligon, alyas Jojo ayon kay Senior Supt. Kerby Kraft, provincial director ng Laguna Police.

Miyembro din daw si Ligon ng isang malaking sindikato ng droga.

Nanlaban umano si Ligon sa mga awtoridad na nagsasagawa ng buy-bust operation matapos umanong matunugan ng suspek na mga pulis ang kaniyang katransaksyon sa isang bahay sa Barangay Sta. Monica.

Nagtamo ng tama ng bala sa iba't-ibang parte ng katawan si Ligon na naging sanhi ng pagkamatay nito.

Nakuha mula sa kaniya ang isang baril at ilang sachet ng hinihinalang 'shabu.'

Iniimbestigahan pa ng mga awtoridad ang insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.