Kawatang dumudumi sa mga ninanakawang bahay, tiklo

ABS-CBN News

Posted at Jul 19 2018 07:15 PM | Updated as of Jul 15 2019 03:35 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Naaresto nitong Martes sa Barangay Bagong Pag-asa, Quezon City ang isang kilala umanong kawatan na nag-iiwan ng dumi sa mga ninanakawang bahay. 

Ayon sa barangay chairman na si Rodolfo Palma, nakilala ang suspek na si Dennis Valencia dahil sa kaniyang kakaibang istilo ng pagnanakaw.

"Modus operandi niya [kapag] pumasok siya sa bahay, pumapasok muna siya sa CR, nagbabawas siya and then parang relax na relax siya," ani Palma.

Nahuli ang suspek matapos tumawag ng mga taga-barangay ang may-ari ng isang bahay na pagnanakawan sana raw niya noong madaling araw ng Martes.

Nakuhanan pa ng CCTV si Valencia na paikot-ikot sa Barangay Bagong Pag-asa bago inakyat ang bakod ng bahay ng nagsumbong sa kaniya.

Bago umano akyatin ang bakod ng naturang bahay, katatapos lang umano ni Valencia na looban ang isa pang bahay na natangayan niya ng apat na cellphone, ayon kay Palma.

Nasa limang bahay na raw sa barangay ang nabiktima ng pagnanakaw at pinag-iwanan ng dumi, ani Palma. 

Itinanggi naman ng suspek ang mga paratang.

"Napagkamalan lang, akala nila ako umakyat," aniya.

Kinasuhan na ang suspek. -- Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.