Dayuhang nabiktima ng 'kotong' enforcer, sasampahan ng kaso ang Maynila?

Jauhn Villaruel, ABS-CBN News

Posted at Jul 19 2018 01:39 PM | Updated as of Jul 19 2018 01:50 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Balak sampahan ng kaso ng dayuhang si alyas "Albert" ang lungsod ng Maynila matapos siyang kotongan ng isang enforcer kamakailan.

Sa viral video na in-upload ng Pinay na asawa ni Albert na si alyas "Ernalyn" ay makikita ang tauhan ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) na tumanggap ng P2,000 bilang "areglo" kapalit ng pagpapalampas sa paglabag umano sa coding.

Giit ni Albert, hindi ang enforcer ang kakasuhan niya kung hindi ang lokal na pamahalaan ng Maynila dahil ito daw ang kinakatawan ng tiwaling tauhan.

"I wanna find an attorney...The case should be against the city of Manila not the guy because he represents the city when he did what he did," rason ni Albert.

Kuwento ni Albert, akala niya nung una ay lehitimo ang bayad na P2,000 dahil sa Amerika daw ay maaaring ibigay sa pulis ang multa sa traffic violations. 

"All I know is that it didn't seem right. In the US, if the police issues a ticket you can pay right then and there. That's what I thought he was doing."

Papunta sanang Department of Foreign Affairs (DFA) ang mag-asawa upang magpa-renew ng pasaporte nang parahin ang kanilang nirentahang sasakyan. 

MASAMA ANG LOOB

Tila masama rin ang loob ng mag-asawa dahil tila sila pa raw ang pinalalabas na may sala ng MTPB at ng mga tao sa social media. 

Tinutukoy ni Ernalyn ang naunang pahayag sa ABS-CBN News ni MTPB chief Dennis Alcoreza na "[w]alang tatanggap kung walang magbibigay." 

"Parang pinalalabas na kami ang may kasalanan na bakit daw kami nagbigay...Hindi naman ganon. Kasi ang enforcer siya ang pumuwersa na kailangan namin magbayad ng P2,000," hinaing ni Ernalyn.

"Ang dami po kasing comments na kami daw ang masama bakit daw Amerikano 'yung kasama ko na driver."

'PATAWAD'

Humingi naman ng paumanhin ang MTPB sa sinapit ng dayuhan at kaniyang asawa.

"Ang buong departamento po ay humihingi ng paumanhin sa inyo sa anomalyang ginawa ng aming enforcer sa inyo. Buhat nang nakarating ito ay agad nag-imbestiga kami," ayon kay MTPB operations chief Dennis Ibona.

Balak daw sana nilang iharap sa isang presscon ang kotong enforcer na kinilalang si Ferdinand Borja ngunit nag-AWOL na ito at hindi na mahanap. 

Gayunpaman, desidido ang mag-asawa na ipagpatuloy ang kaso at naghahanap na sila ng abogado.

Hindi naman daw nagbago ang pagtingin ni Albert sa Pilipinas matapos ang kaniyang masamang karanasan.

"I love the Philippines. The love of my life is from the Philippines," aniya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.