Alerto para sa sorpresang 'shake' drill, napaaga

ABS-CBN News

Posted at Jul 19 2018 09:51 PM | Updated as of Aug 05 2019 03:59 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Matagumpay sana ang sorpresang Metro Manila earthquake o 'shake' drill nitong Huwebes kung hindi napaaga ang pagpapadala ng text blast na magsisilbing alerto para rito, sabi ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) general manager Jojo Garcia. 

Ayon kay Garcia, inasahan daw kasi ng National Telecommunications Commission (NTC) na maaantala ang pagpapadala sa text blast.

"Tanggapin natin may pagkakamali pero we should learn from that," ani Garcia. 

Ala-una ng hapon itinakda ng MMDA ang drill at sa pagitan ng 12:30 hanggang 12:50 ng tanghali dapat ibibigay ng NTC ang alarma pero may mga nakatanggap na ng text blast ilang oras pa bago nito.

Dahil hindi sabay-sabay na natanggap ang alarma, may ilang naunang bumaba sa kani-kanilang mga gusali bago pa ang opisyal na hudyat.

Hindi gaya ng mga nakaraang drill, hindi inanunsiyo ng MMDA ang mismong petsa ng drill at dapat ay maaabisuhan lamang ang mga tao kapag natanggap ang text blast. 

Lumahok sa taunang earthquake drill ang mga opisina ng gobyerno, pribadong kompanya at paaralan sa buong Kamaynilaan.

Layunin ng simulation na ihanda ang mga Pilipino sakaling magkaroon ng malakas na lindol. 

Hinati ang Metro Manila sa apat na quadrant na magsisilbing staging point ng evacuation, rescue at iba pang emergency operation pagkatapos ng lindol: Villamor Air Base sa timog, Veterans Hospital sa hilaga, Intramuros sa kanluran, at Santolan LRT depot sa silangan.

-- Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.