ALAMIN: Para saan ang maiingay na text mula sa NDRRMC?

ABS-CBN News

Posted at Jul 19 2018 11:52 PM | Updated as of Jul 20 2018 06:23 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ngayong tag-ulan, mapapansin na may kakaibang text alert galing sa National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) na natatanggap nang sabay-sabay ng mga nagmamay-ari ng mobile phones. 

Ito ang early warning system ng NDRRMC kung saan inaabisuhan ang mga cellphone users kapag may darating na bagyo o malakas na ulan sa kanilang lugar.

Ayon sa tagapagsalita ng NDRRMC na si Edgar Posadas, batay ang mga alert sa mga color-coded warning na inilalathala ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA). 

"Itina-translate natin 'yun sa template na madaling maintindihan ang nakasulat doon," aniya. 

Base rin ito sa Republic Act 10369 o ang Free Mobile Disaster Alerts Act kung saan kinakailangang magbigay-abiso ang mga telecommunication companies sa kanilang sineserbisyuhan tungkol sa mga paparating na sakuna. 

"In times of disasters dapat magbigay sila ng libreng serbisyo sa pamamagitan ng pag-a-accommodate ng texts o kaya 'yung sa cell broadcast system," aniya sa "Usapang De Campanilla" ng DZMM nitong Miyerkoles. 

Sinadya rin ng NDRRMC na ingayan ang mga alert para mas mapansin ang mensahe mula sa kanila.

"Mag-iingay po yung telepono niyo hanggat sa mabasa [ang message]," paliwanag niya. 

Payo ng NDRRMC, dapat pansinin ang mga mensaheng ito lalo na't marami ang bagyong pumapasok sa bansa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.