5 kargador ng bigas sa Bulacan timbog dahil sa droga

ABS-CBN News

Posted at Jul 19 2018 07:02 PM | Updated as of Jul 15 2019 03:37 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Limang kargador ng bigas ang naaresto noong Miyerkoles sa mga anti-drug operation ng pulisya sa Meycauayan, Bulacan.

Tatlo ang unang nahuli ng mga pulis sa buy-bust operation sa isang bahay sa Barangay Bancal, na umano'y bilihan at puwestuhan ng mga gumagamit ng droga. 

Nakuha sa tatlo ang anim na sachet ng hinihinalang shabu at ang marked money na ginamit sa operasyon. 

Inamin ng mga suspek ang paggamit sa droga pero katuwiran nila ay pampalakas umano ito para sa trabaho.

"Para sa trabaho, dahil sa bigat ng trabaho," anang isang suspek.

"Pangtanggal ng pagod para 'di ka mapagod," sabi naman ng isa pang suspek.

Dahil naman sa impormasyong nakuha mula sa mga cellphone ng tatlo, natunton ng mga pulis ang dalawang suspek na pinagkukuhanan nila ng droga.

Nakuha sa follow-up operation ang tatlong sachet ng hinihinalang shabu.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. -- Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.