2 sugatan sa pamamaril sa El Nido

Arlie Cabrestante, ABS-CBN News

Posted at Jul 19 2018 08:11 PM

Sakay ng motorsiklo ang dalawang biktima nang paputukan ng suspek dahil sa pagpupumilit umano nilang makadaan sa ginagawang tulay sa Barangay Pasadena sa El Nido, Palawan. Larawan mula sa El Nido Police

EL NIDO, Palawan - Sugatan ang dalawang lalaki matapos mabaril sa Sitio Calampinay, Barangay Pasadena dito, Miyerkoles ng gabi.

Kinilala ang mga biktima na sina Jude Dayon at Armetio Verano.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng awtoridad, sakay ng motorsiklo ang dalawang biktima at dadaan sana sa ginagawang tulay sa lugar.

Pinigilan sila ng mga trabahador pero nagpumilit pa rin kaya nagkaroon ng komosyon.

Dito na umano nagpaputok ang suspek na isang retiradong sundalo.

Tinamaan sa likuran ang dalawang biktima at agad na dinala sa pagamutan.

Lumalabas na tatlong basyo ng kalibre .45 ang nakita sa lugar.

Agad rin namang nahuli ang suspek.

Napag-alaman na ang baril na ginamit ng suspek ay pagmamay-ari ng isang empleyado ng gobyerno. Inaalam pa kung paano ito nakuha ng suspek. 

Pinapaigting naman ngayon ang kampanya laban sa loose firearms.

Pakiusap ng awtoridad sa may mga baril na isuko na ang kanilang armas na walang kaukulang dokumento.

Patuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng awtoridad at pinag-aaralan ang kasong maaaring kaharapin ng suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.