2 pulis na ‘nangikil’ ng P50,000 sa kanilang mga inaresto, kalaboso

ABS-CBN News

Posted at Jul 19 2018 05:09 AM | Updated as of Jul 19 2018 04:05 PM

MAYNILA—Arestado ang 2 pulis ng Manila Police District (MPD) matapos umanong mangikil sa mga suspek ng human trafficking.

Kinilala ang mga pulis na sina PO1 MJ Cerilla at PO1 Erdie Bautista na nakadestino sa District Special Operations Unit (DSOU) ng MPD.

Iniimbestigahan na rin ang iba pang 4 na pulis na sangkot din umano sa pangingikil.

Ayon kay Chief Supt. Rolando Anduyan, direktor ng MPD, nagsagawa ng operasyon ang DSOU sa Santa Mesa para hulihin ang 4 na lalaking umano'y nambubugaw.

Pero hiningan umano ng mga pulis ang mga hinuli ng P100,000 kapalit ng kanilang kalayaan.

Nagkatawaran umano ang 2 grupo at naibaba ito sa P50,000. Nagsumbong sa mga awtoridad ang kamag-anak ng isang suspek ukol sa nasabing ilegal na kasunduan.

Bunsod ng reklamo, nagkasa ang Counter Intelligence Task Force (CITF) at MPD ng entrapment operation sa loob mismo ng DSOU.

Nahuli na inabot ang pera kay Bautista na dahilan sa pagkaaresto nito.

Inaresto rin ang isang katiwala ng DSOU na sinasabing inutusan ng mga pulis na kumuha ng pera.

Dagdag ni Anduyan, kaduda-duda ang operasyon ng DSOU dahil trabaho ng Women and Children's Protection Desk (WCPD) ang pagsagip sa mga babaeng ibinubugaw.

Hindi rin umano aniya nag-report ang DSOU tungkol sa kanilang operasyon.

Giit naman ni Chief Insp. Joselito de Ocampo, hepe ng DSOU, nakaligtaan nila ito dahil sa dami ng kanilang trinabaho.

Mahaharap sa kasong robbery extortion sina Cerilla at Bautista. Tinanggal na rin sa puwesto si de Ocampo. - ulat nina Jervis Manahan at Arra Perez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.