15 bahay winasak ng alon sa Tanza, Cavite

ABS-CBN News

Posted at Jul 19 2018 03:46 PM

MAYNILA - Tinatayang 15 bahay sa dalawang barangay malapit sa dagat sa Tanza, Cavite ang nawasak nang hampasin ng malalaking alon sa kasagsagan ng ulan ngayong Huwebes. 

Gawa sa kongkreto ang karamihan sa mga bahay pero hindi kinaya ng mga ito ang lakas ng alon. Naglagay na lang ang mga residente ng mga sandbag para hindi abutin ang mga natitira pang bahay.

Dahil sa nangyari, pansamantala munang tumutuloy sa mga kaanak o temporary shelter sa bayan ang hindi bababa sa 20 pamilyang nawalan ng bahay.

Humihingi naman ang mga naturang residente ng tulong mula sa lokal na pamahalaan. 

Bagama't nasa karagatan pa sa silangan ng bansa ang Bagyong Inday, pinalalakas naman nito ang hanging habagat na nagpapaulan sa kapuluan.

Ayon sa PAGASA, magiging maulan sa malaking bahagi ng Luzon hanggang sa Sabado dahil sa habagat.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.