Trapiko sa Osmena Highway, patigil-tigil dahil sa lumundong Skyway beam

ABS-CBN News

Posted at Jul 19 2017 12:26 PM | Updated as of Jul 20 2017 01:00 AM

Pahinto-hinto ang daloy ng trapiko sa bahagi ng Osmeña Highway kaninang madaling araw dahil sa pag-aalis ng mga bakal habang isinasaayos ang lumundong biga ng construction site ng Skyway Phase 3. 

Sarado pa rin naman ang service road ng highway na papuntang Maynila habang inaalis ang mga bakal doon. 

Sa kabila ng magdamagang pagtatrabaho, hindi pa rin natatapos ng contractor ng nasabing Skyway ang pagsasaayos nito. 

Pinagpuputol ng mga tauhan ng DM Consunji Incorporated (DMCI) ang kumpol-kumpol na mga bakal na nakabaluktot sa tinatayong Skyway Phase 3 sa Osmeña Highway simula kagabi. Ito'y upang mapadali ang pagtatanggal sa lumundong biga ng Skyway extension.

Para maiwasang may mabagsakan, pinatitigil nila mula tatlo hanggang limang minuto ang trapiko sa southbound at northbound lanes. Agad din naman itong binubuksan para hindi humaba ang pila. 

Unang inalis ang mga bakal sa bahagi ng biga na nasa ibabaw ng southbound lane kaya inabot ng hanggang isang kilometro ang pila ng mga nakahinto. 

Karamihan naman sa mga naperwisyo ay mga trak kaninang madaling araw. 

"Medyo abala sa amin e. May truck ban kasi sa Cavite. Pag made-delay kami, mata-truck ban kami," ayon sa isang truck driver. 

Sumuong naman sa matinding trapiko ang mga kotseng hindi na nakahanap ng malilikuan. 

Halos alas-3 ng umaga nagsimula ang pagbabawas sa bakal sa ibabaw ng northbound lane, ngunit pagsapit ng alas-6 ay hindi pa tuluyang naialis ang sampung metro mula sa halos 50 metro ng bakal sa beam.

Pinadaan na rin sa sasakyan ang service road ng southbound lane para makaluwag sa trapiko na nagsimulang sumikip noong rush hour. 

Subalit, pansamantalang ginawang single lane ang Buendia flyover dahil sa trak na may kargang mga bakal na tumirik doon at hindi mahila ng mga tow truck. Alas-8 na naalis ang trak. 

Samantala, tiniyak naman ng DMCI na magsasagawa ito ng imbestigasyon ukol sa pagpalya ng itinatayong highway. 

-- Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.