Shabu mula Mexico, nasabat sa NAIA; 4 arestado

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Jul 20 2017 01:56 AM | Updated as of Jul 21 2017 01:32 AM

Tatlong lalaki at isang babae ang inaresto ng mga tauhan ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (IADITG) dahil sa droga na galing sa bansang Mexico.

Nag-claim umano ang mga suspek ng kahon sa isang cargo office sa NAIA.

Naglalaman ang kahon ng aabot sa 2 kilo ng hinihinalang shabu na nakasilid sa 24 na PVC pipe at nakapaloob naman sa mga tubo ng construction sealant.

Tinatayang nasa P12 hanggang P15 milyon ang halaga ng droga.

Ayon kay Marjuvel Bautista, deputy commander ng NAIA-IADITG, dumating ang kahon noong Hulyo 9 mula sa Santa Rosa, Mexico at naka-address para sa isang James Corpus.

Nakatanggap naman ang mga otoridad ng impormasyon mula sa kanilang mga katapat na ahensya na ang nasabing kahon ay naglalaman ng droga.

Inimbitahan kaagad ng mga otoridad ang isang lalaking may authorization para kay Corpuz nang mag-claim ito sa kahon, Miyerkules alas-3 ng hapon. Ipinaamoy pa sa K9 ang kahon bago ito buksan at napatunayan ng taga Bureau of Customs (BOC) na shabu ang laman ng isa sa mga tubo.

Nakilala ang lalaki na si Casan Raig, 43 anyos. Inaresto din ang mga kasama nito na sina Alnar Pundato Sultan, 24 anyos, Jamal Tantao, 46 anyos; at Isnairah Pundato, 40 anyos.

Ayon sa mga lalaki, sinabihan lamang sila na kunin ang kahon pero hindi sinabi kung ano ang laman nito.

Dagdag pa ng mga otoridad, patunay ang pinagmulan ng nasabat na droga na pumapasok na ang Mexican drug cartel sa bansa.

Kakasuhan ang mga nahuli ng Importation of Illegal Drugs sa ilalim ng Section 4 ng Anti-Illegal Drugs Act.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng ahensya sa pinagmulan ng kahon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.