Sapul sa CCTV: Bag ng mga kumakain, sinikwat

ABS-CBN News

Posted at Jul 19 2017 07:47 PM | Updated as of Jul 19 2017 09:59 PM

Nagbabala ang Sta. Rosa Laguna Philippine National Police (PNP) laban sa mga kawatang target pagnakawan ang mga biyaherong nag-stop over sa mga kainan.

Sa kuha ng CCTV sa isang Chinese restaurant sa Sta. Rosa, Laguna nitong Linggo lang, Hulyo 16, nakita ang isang lalaking palakad-lakad na sinundan ng isang babae. Maya-maya, bumuntot na rin sa kanila ang tatlo pang kasamahan. Tila may hinahanap ang grupo. Hanggang sa makatiyempo ang babae at biglang sinikwat ang bag ng isang customer. Sunod-sunod umalis ang mga suspek.

Noong Hunyo 21 naman, sa parehong restaurant, nakunan din sa CCTV ang isang lalaki at isang babaeng paikot-ikot sa mga mesa.

Mabilis ang kilos ng lalaking nanikwat ng bag ng customer, sabay ipinasa sa babaeng itinago ang ninakaw sa kaniyang shawl.

Agad na lumabas ang dalawa. Nakunan pa sila sa parking area kung saan nakaabang na ang kanilang getaway vehicle na isang bagong AUV na wala pang plaka.

Hulyo 11 naman nang makunan ng CCTV sa isang fast food ang isang babaeng nabiktima rin ng grupo.

Pinalibutan ng mga kawatan ang babae na naglagay ng mga bag sa kaniyang likuran. Pumuwesto sa likod ng biktima ang isa sa mga suspek, na sinubukang buksan ang bag ng biktima. Nang makakuha ng tiyempo, kinuha na ng lalaki ang bag, sabay abot sa babaeng kasabwat at sabay-sabay ulit umalis.

Ayon sa pulisya, iisang grupo ang responsable sa pananalisi. Kadalasang target umano ng grupo ang mga biyaherong saglit na humihimpil sa Sta. Rosa, Laguna papunta o pauwing Tagaytay, Cavite. 

Pinayuhan din ng PNP ang pamunuan ng mga kainan na paigtingin ang kanilang seguridad. 

-- Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.