Rural bank sa Albay, nilooban; P600-K sa vault natangay

Karren Canon, ABS-CBN News

Posted at Jul 19 2017 12:01 PM

Nilooban ng hindi pa nakikilalang mga kawatan ang Rural Bank of Guinobatan kung saan nagawa nilang tangayin ang P600,000 laman ng vault.

Ayon sa branch manager ng bangko sa bayan ng Tiwi na tumangging humarap sa kamera, nadiskubre ang insidente noong Lunes ng umaga.

Nakita nila umano ang malaking butas sa sahig na pinaniniwalaang ginawang daanan ng mga magnanakaw. Sira na din ang vault ng bangko.

Posible umanong sa isang maliit na kanal na ilang metro lamang ang layo mula sa bangko unang dumaan ang mga suspek para makapasok sa ilalim ng establisyemento.

Tumanggi muna ang pulisya na ipakita ang CCTV footage sa panloloob habang patuloy pa ang kanilang imbestigasyon.

Nilagyan na ng bangko ng semento ang butas sa ilalim ng kanal.

Balik normal na ang operasyon ng bangko. Sa kabila nito, siniguro ng pamunuan ng bangko sa kanilang mga kliyente na hindi maapektuhan ang kanilang mga transaksiyon dahil sa insidente.