Pulis sumaklolo sa buntis na napaanak sa bangka

Gracie Rutao, ABS-CBN News

Posted at Jul 19 2017 11:26 AM | Updated as of Jul 19 2017 11:31 AM

Hindi inaasahan ng mag-asawang si Eunice at Roberto Bamba na sa bangka isisilang ang kanilang anak.

Kwento nila, Hulyo 11 ng gabi nang pumutok ang panubigan ni Eunice.

Sakay ng bangka, bumiyahe mula Barangay Sebitanan sa Sasmuan, Pampanga ang mag-asawa kasama ang biyenan.

Hindi na nakayanan ni Eunice pa ang tagal ng biyahe na umabot na ng halos 1 oras at napaanak na sa bangka.

Agad naman na humingi ng tulong ang mag-asawa sa mga pulis pagdating sa pampang.

Kahit na hindi naka-duty, agad rumesponde si PO1 Mark Israel Luzano na nagtapos rin pala ng kursong Nursing.

"Medyo nakakakaba. After 5 years saka ko na naman siya nagamit, yung knowledge ko about sa nursing sa pagpapaanak ng bata, nakaka fulfilling po...Nakakasaya din po na nakakatulong sa ating mga kababayan sa Sasmuan," ani Luzano. 
 
Nakasalo ang sanggol sa pajama ng ina at nakapulupot ang umbilical cord ng bata sa kaniyang leeg habang puno ng dugo si Eunice.

Binigyan ng first aid treatment ng pulis ang mag-ina tsaka na isinugod sa ospital. 

Dahil sa insidente, bibigyan ng parangal ng lokal na pamahalaan ng Sasmuan si Luzano dahil sa kabutihang loob na ipinakita kahit labas na sa oras ng trabaho.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.