Paggawa sa kalsadang magdurugtong sa BGC at Ortigas, sisimulan na

ABS-CBN News

Posted at Jul 19 2017 12:22 PM

Isinagawa ang groundbreaking ceremony sa kalsadang magdurugtong sa Bonifacio Global City at Ortigas Business District kaninang umaga ng Miyerkoles.

Inaasahang magiging 12 minuto na lamang, mula sa dating isang oras, ang biyahe sa pagitan ng dalawang lugar sa tulong ng proyekto.

Magkakaroon ito ng 4 na lanes, at halos isang kilometro ang haba ng bagong kalsada na tatakbo mula sa Ortigas Business Center sa Pasig hanggang sa BGC sa Taguig.

Pinangunahan nina Tranportation Secretary Arthur Tugade at Public Works Secretary Mark Villar ang seremonyas para sa proyekto.

Isa lamang ang bagong kalsada sa 12 tulay at kalsadang planong gawin ng pamahalaan sa Metro Manila hanggang matapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Humingi na rin ng pang-unawa sa publiko si Villar sa inaasahang pagbigat ng daloy ng trapiko dulot ng kabi-kabilang mga proyekto.

"Ginagawa naman namin ito para sa long-term. Kailangan din nating ma-improve ang traffic, unang una dito sa Metro Manila, so asahan po ninyo na marami pang proyekto ang DoTr (Department of Tranportation) at DPWH (Department of Public Works and Highways) para finally lumuwag ang traffic. We'll do our best to minimize traffic caused by construction. Pasensya na po," ani Villar.

Aabot sa P1.6 bilyon ang kabuuang halaga ng BGC-Ortigas Center Link Road project.

Target ng pamahalaan na makumpleto ito sa 2019.

-- Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.