Mga pasahero, 'naipit' sa saradong bus terminal

ABS-CBN News

Posted at Jul 19 2017 06:41 PM | Updated as of Jul 20 2017 12:59 AM

Sinimulan na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa pangunguna ni Chairman Danny Lim ang pagsisilbi nitong Miyerkoles ng mga closure order na nagbabanta ng pagpapasara sa mga bus terminal na mayroong mga paglabag. 

Karagdagan ito sa mga terminal na pinasara na. Ang resulta: apektado ang mga pasahero na 'naipit' sa isinagawang pagpapasara. 

Inunang isyuhan ng closure order ng MMDA ang DLTB Bus sa EDSA-Timog dahil sa kawalan umano ng business permit. Gayunpaman, nadatnan nila ito na sarado na at may harang na sa harapan.

Hinarap naman sila ng area manager ng DLTB na si Noli Pili. Ayon kay Pili, matagal na silang may application para sa permit, hindi rin umano terminal iyon, at hindi rin ginagamit bilang paradahan ang lupa na nirerentahan ng DLTB.

Sunod na pinuntahan ng MMDA ang Jam Liner na halos katabi lamang ng DLTB. Binigyan ito ng warning para maisaayos ang ilang mga pasilidad. 

Pinaiimbestigahan din ang umano'y mga nakabalandrang unit ng Jam Liner sa kahabaan ng Sgt. Esguerra.

Kapirasong papel lamang pero naipasara rin ang terminal ng Roro Bus Liner sa EDSA-Santolan nitong Miyerkoles ng umaga. Isa ito sa mga hinainan ng closure order ng MMDA matapos makitaan ng paglabag. 

Ilan sa mga paglabag ng isinarang terminal ay hindi sementado ang sahig, walang mauupan at masilungan ang mga naghihintay na pasahero, at wala rin itong palikuran.

Ipinasara rin ang Dimple Star Bus na nag-o-operate din sa kabila ng kakulangan ng mga kinakailangan clearance at pagkakaroon ng siyam na empleyado na walang occupational permit. 

Sementado naman ang terminal ng Dimple Star ngunit hindi aprubado ang ginamit na mga tent bilang silungan ng mga pasahero. Wala rin itong palikuran dahil dati lamang itong garahe ng bus company. 

Giit naman ng Dimple Star, bakit sila pinagdidiskitahan, samantalang pick up point lamang ito ng mga pasahero. 

Samantala, binigyan naman ng 15 araw ang Jam Liner, Lucena Lines, Raymond Bus, San Rafael Bus, Our Lady of Salvation Bus, Superlines Northbound, at Victory Northbound para isaayos ang ilang mga paglabag tulad sa 'nose-in, nose-out' policy ng MMDA.

Mga pasahero, apektado ng pagpapasara ng terminal

'Naipit' naman ang mga pasahero sa isinagawang pagpapasara ng terminal. 

Bagama't nag-abiso na kahapon ang MMDA sa publiko, mayroon pa ring mga pumuntang pasahero. 

Para naman di maaberya ang mga pasahero, inutusan ng MMDA ang mga operator ng terminal na ipahatid sila sa Araneta Central Bus Station.

Hindi naman nangangahulugan na tigil pasada na ang mga bus companies kundi ipinagbabawal lamang ang paggamit ng mga isinarang terminal. 

Sa Araneta Central Bus Station maaaring magsakay at magbaba ang mga nasabing bus liners.

Nais naman ngaayon ng MMDA ng permanente at pangmatagalang solusyon sa problema sa mga terminal.

 “’Yung long term na plano, magkaroon ng Interim Terminal sa North at South. ‘Yung galing sa norte at south, di na papasok sa Metro Manila,” ani Lim.

-- Ulat nina Jeff Hernaez at Ernie Manio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.