Kooperatiba ng kuryente sa Palawan, kakasuhan dahil sa sunod-sunod na brownout

Arlie Cabrestante, ABS-CBN News

Posted at Jul 19 2017 09:45 PM

PUERTO PRINCESA CITY- Pinagpapaliwanag ng lokal na pamahalaan ng Puerto Princesa City, pamahalaang panlalawigan ng Palawan, at iba't ibang sektor sa probinsya ang Palawan Electric Cooperative (PALECO) kaugnay ng sunod-sunod na pagkawala ng suplay ng kuryente dito.

Ayon sa mga nagsampa ng kaso, malaki ang epekto ng sunod-sunod na blackout sa mga negosyo. Dumodoble rin ang gastos sa paggamit sa generator kumpara sa binabayaran nilang electric bill.

Naniniwala rin ang lokal na pamahalaan na may problema sa pamamalakad ng PALECO.

Dagdag pa ng mga nagrereklamo, pinanindigan na umano ng PALECO ang bansag na "Blackout Capital of the Philippines" ang Palawan.

Bagama't isang kooperatiba, dalawang magkaibang ahensiya ang namamahala sa PALECO. Pinangungunahan ng National Electrification Agency at Energy Regulatory Commission ang operasyon nito, habang pinamumunuan naman ito ng Cooperative Development Authority.

Kinikuwestiyon rin ang pribilehiyo ng tax exemption at certificate of good standing na natanggap ng PALECO sa kabila ng hindi maayos na serbisyong ibinibigay nito.

Plano ngayon ng lokal na pamahalaan at iba't ibang sektor na magpasa ng letter of complaint at petition letter laban sa PALECO. Magsasampa rin umano sila ng kasong sibil at administratibo laban sa PALECO, gayundin ang paghamon sa mga opisyales nito na magbitiw na sa pwesto.

Bibigyan ng 15 araw ang PALECO na maisaayos ang serbisyo nito.

Depensa naman ng PALECO, hindi nila saklaw ang sunod-sunod na blackout. Hawak umano ng National Power Corporation (Napocor) ang transmission line kaya nasa Napocor ang pagkukulang.

Dagdag pa ni Jeffrey Tan Endriga, chairman ng Board of Directors ng PALECO, huwag umano sana sila basta patalsikin sa puwesto dahil ginagawa nila ang lahat ng paraan para maiayos ang problema sa kuryente sa Palawan.

Gayunpaman, hindi nila umano pipigilan ang lokal na pamahalaan kung magsasampa ito ng kaso laban sa kanila.

Hinihikayat ng lokal na pamahalaan ang mga member-consumer ng PALECO na magsampa ng kaso laban sa kooperatiba.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.