KMU nagprotesta isang linggo bago ang SONA

Ron Lopez, ABS-CBN News

Posted at Jul 19 2017 10:14 AM

Nagpalipas ng magdamag ang ilang grupo ng manggagawa sa Recto, Maynila.

Ito ay bahagi ng kanilang programa isang linggo bago ang State of the Nation Address (SONA).

Mahigit 200 miyembro ng Kilusang Mayo Uno (KMU) mula sa Maynila at Southern Mindanao ang nagtayo ng mga tent at naglagay ng tarpaulin sa harapan ng gate ng Mendiola.

Ayon sa tumatayong tagapagsalita ng grupo na si Christian Yamzon, mananatili sila sa lugar hanggang sa Lunes, Hulyo 24 upang singilin si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga pangako nitong hindi natupad. Kabilang na dito ay ang pagwawakas ng kontraktuwalisasyon at pagtataas ng minimum wage.

Ang kanilang panawagan ay itigil na ang Martial Law sa Mindanao.

Magsasagawa ang grupo ng mga aktibidad at palabas sa mga susunod na araw, tulad ng forum bago sumama sa malakihang protesta papuntang kongreso sa Lunes.

Inaasahan din ang pagdating ng kanilang miyembro mula Southern Tagalog Miyerkules ng umaga.

Tinatayang magiging payapa ang kanilang pagpoprotesta sa mga susunod na araw.

-Umagang Kay Ganda, ika-19 ng Hulyo 2017.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.